Wednesday, May 4, 2011

Bihag

Nawa’y mabihag
Sa pagtakas
Itong bilanggo ng kahapon
Bitag ng nakaraan
Hayaang humagpos
Upang mapalaya
Ang mamamayan
Ng mga ikinukubling lihim

Nawa’y lisanin natin
Ang pulo ng pagkukunwari
Bahaginan itong kaluluwang
Nagsusumamo ng kaunting
Pag-amo at pagtangkilik
Sa poong sinamba ng sandaang dipang
Kapal ng mga tagahanga

Nawa’y lumiban
Sa pagpupunyagi
Mga huwad na panginoon
Kung babasbasan ng dugo
Mga alay na hinugot sa ugat
Ng dalamhati

Pakiwari’y salat sa yabong
Mga usbong ng digmaan
Sa paglipas ng panahon
Ako’y lumuhod
Isa pa ring bilanggo
Kalayaan di matanaw
Isa pa ring sumasamba
Sa huwad na hangarin
Isa pa ring naghihintay
Sa iyong pagdating.

No comments:

Post a Comment