Madalas akong isama ni Inay sa bukid. Nasa bayan ang aming tahanan, isa sa mga bahay na malapit sa simbahan at munisipyo. Palibhasa’y galing sa dating mayamang angkan ang Amang ni Inay. Naubos ang kanilang kabuhayan noong panahon ng Martial Law dahil kinamkam ng Komunistang pamahalaan lahat ng pribadong ari-arian sa aming maliit na bayan. Nang maupo ang mga Liberal na Demokratiko pinaghati-hati nila ang aming mga lupain sa maliliit na magsasaka na ipinagbili naman ang mga ito sa mga mangangalakal na nagtayo ng nagtatayugang gusali doon. Ang mga natirang bukirin ay nasa looban ng aming probinsya.
Nagbubuwisan na lamang ang aming pamilya kay Dona Julieta, ang balo ni Don Policarpio. Palibhasa’y wala nang mga anak dito sa Pilipinas at matalik na kaibigan sila ni Lolo, pinatatamnan nila sa amin ang kapirasong lupa malapit sa ilog. Ang dalawa kong Kuya ang nangangasiwa sa iilang tauhan sa bukirin.
Ako ang natatanging anak na babae. Nag-aaral ako sa mga madre sa bayan. Ngunit pagkagaling sa paaralan ay isinasama ako ni Inay sa bukid. Doon ko nagisnan ang paggalang sa Inang Kalikasan. Tuwing hagupit ng malulupit na bagyo ay halos wala kaming aning palay. Sumasala sa pagkain ang aming mga manggagawa, palibhasa’y walang maaasahang ibang kabuhayan. Mapalad kami na si Itay ay isang inhinyero na nangongontrata ng paggawa ng mga gusali at bahay sa Kapitolyo. Lingguhan kung siya ay lumuwas. Biyernes ng gabi siya umuuwi sa amin at pumupunta sa inuupahang kwarto sa Kapitolyo tuwing Lunes ng madaling araw.
Ngayon ay may nagbabadyang bagyo. Malakas daw ito kaya’t inilikas na ang mga pamilya malapit sa baybay. Balisa sina Inay at Kuya Mario. Malapit na ang tag-ani, halos hinog na ang mga palay. Kung tuluyan itong mapipinsala ng bagyo ay tiyak na malaki ang lugi namin. Malaki na ang pinuhunan namin sa palay.
Kung masisira ang ani ay baka hindi lang kami sumala sa oras, mahihinto pa ako sa pag-aaral. Isang taon na lang at magkokolehiyo na ako. Ayaw pa akong pagtrabahuhin nila Inay pero kung wala kaming ani ngayong taon ay baka mapilitan akong mamasukan sa Maynila para matulungan sina Inay. Mahina na ang pangongontrata ni Itay. Pumupunta na sa mga nayon ang mga malalaking kontratistang taga-lalawigan. Dahil may makabago silang kaalaman at kagamitan ay pinipili sila ng mga nagpapakontrata.
Biyernes noon. Umuwi si Itay galing Kapitolyo. Gaya ng nakagawian namin kapag tag-ulan ay pumupunta kami sa bukid pagkagat ng dilim. Inilabas ko na ang lamparang gasera at nagsuot ako ng kapote at plastik na bota. Gayundin si Itay. Naglakad kami sa pilapil at inabangan ang mga palakang bukid. Hindi ko na matandaan kung kalian nagsimula ang tradisyong ito ngunit sapul nang ako ay magkaisip ay taun-taon na naming ginagawa ito ni Itay.
Nakakita ako ng kumpol ng mga palaka sa ilalim ng punong kamatsile sa gilid ng pinakamalapad na pilapil. Tinapat ko sa kanila ang aking lampara. Huminto sila sa kanilang paggalaw at nanatili sa kanilang kinalalagyan. Ngunit naririnig ko pa rin ang ingay ng kanilang paghinga na halata sa paglaki at pagliit ng kanilang tiyan. Kung dati ako’y naaaliw sa ganitong pangitain, ngayon ay nagpaalala lamang ito sa aking pangamba.
Napansin agad ito ni Itay. Siniguro niyang ang pag-aalaala sa bagyo ang bumabalisa sa akin. Sabi ko hindi pa ako handang humiwalay sa pamilya, na tiyak mangyayari kung masisira ang palay.
Pinangakuan niya akong hindi pa mangayayari iyon. Pag-uwi ay
pinatulog niya ako nang maaga. Nang maalimpungatan ako noong madaling araw ay
narinig ko ang boses nila Kuya Mario, Kuya Adolfo at Inay at Itay na nag-uusap.
Halos hindi lumabas ang araw kinabukasan. Malapit nang dumating ang bagyo. Mabilis kaming nag-almusal. Pinagbihis ako ni Inay ng damit pambukid. Tutulong daw ako sa trabaho ngayon dahil kailangan naming kumilos nang mabilis. Nauna na si Itay at ang aking mga Kuya sa bukid at kinausap na nila ang mga manggagawa tungkol sa kanilang gagawin.
Tatanggalan namin ng tubig ang mga taniman. Inilihis na ni Itay ang mga irigasyon na dumadaloy galing sa ilog. Matagal na niya itong naisip gawin sa bukid tuwing may bagyo ngunit ayaw niyang panghimasukan ang pangangasiwa ni Inay. Pero malaki ang nakataya ngayon. Malaking puhunan ang mawawala sakaling masira ng bagyo ang pananim.
Naisip ni Itay na kaya nasisira ang palay tuwing may malakas na ulan ay dahil nabubulok ito dahil nalulunod sa labis na tubig sa taniman. Kung aalisin daw ang tubig bago dumating ang bagyo ay may sapat na puwang para sa tubig na bubuhos pagdating ng bagyo.
Hapon na nang matanggalan naming ng tubig lahat ng taniman. Malakas na ang hangin at nagbabadya na ang kalangitan sa malakas na buhos ng ulan nang makauwi kami.
Nagtulos kami ng kandila sa altar nang gabing iyon at habang bumubuhos ang malakas na ulan ay nagdasal kami ng rosaryo sa pamumuno ni Itay at Inay.
Natulog ako sa kuwarto nila Inay nang gabing iyon. Hindi ako mapakali. Sa aking isip ay nakikipag-usap ako sa Diyos. Habang naririnig ko ang paghinga ng aking mga magulang ay idinalangin ko na huwag muna akong ihiwalay sa kanila upang maghanap-buhay sa malayong lugar. Ngunit kung iyon ang Kaniyang kagustuhan ay susunod na ako.
Maliwanag na nang dalawin ako ng antok. Nagising ako sa tilaok ni Helga, ang manok namin na pinanggagalingan ng itlog. Galing ang pangalan niya sa isang tauhan sa opera ni Vivaldi na pinaaral sa akin ng aming principal na madre sa eskwelahan nang marinig niya akong kumanta. May hinaharap daw ako sa musika at kung gusto ko daw ay tutulungan niya akong makapasok sa magandang kolehiyo sa Maynila para mahasa ang pagkanta ko.
Makulimlim pa ngunit nagpupumilit nang sumikat ang araw nang bumangon ako. May sinaing na sa palayok at ipinagtabi ako ni Inay ng sinigang na bangus para pananghalian. Naligo at nagsipilyo ako. Linggo na kaya binasa ko ang mga leksyon ko para sa darating na linggo. Ngunit lumilipad ang utak ko. Nakaabang ang tainga ko sa pagbukas ng pinto at pagdating nila Inay. Iniisip ko kung hindi napinsala ang palay, kung hihinto ako sa pag-aaral at pupunta sa Maynila para magtrabaho.
Nakaakbay si Itay kay Inay at nakangiti silang pareho nang umuwi sila galing bukid kinagabihan. Hindi napinsala ang palay. Gumana ang paraan ni Itay. Makakagapas na kami sa isang linggo.
Kinausap rin daw nila si Dona Julieta. Lalakihan nila ang lupang pakikibuwisan nila. Tutulong na raw si Itay sa bukid at kukuha pa sila ng ilang tauhan para tumulong sa pagtatanim. Hindi na siya mangongontrata sa Kapitolyo. Si Kuya Mario naman ay gagamitin ang naipon niya para mag-aral ng agrikultura sa Laguna, para mapalago pa ang bukid pagbalik niya.
Napatalon ako sa tuwa sa narinig kong balita. Maitutuloy ko ang pag-aaral ko. Inakap ko si Inay at Itay.
Nang gabing iyon ay nagpasalamat ako sa Diyos. Nagtulos ako
ng kandila sa imahe ng Santo Nino sa aking tokador. Hindi lamang niya dininig
ang hiling ko. Ipinagkaloob pa niya ang biyaya ng pamamalagi ng aking ama sa
piling namin. At kahit lalayo si Kuya Mario upang mag-aral sa ibang probinsya ay
tiyak na babalik siya upang lalo pang pagyamanin ang lupa.
At ako? Pag nakakanta ko na ang mga parte ni Helga sa opera pagkaaral ko sa Maynila ay babalik rin sa lupa kong pinagmulan. At ituturo ko ito sa mga estudyante ng mga madre sa aking paaralan, para hindi na nila kailangang malayo sa kanilang Inay at Itay upang tuparin ang kanilang pangarap.
No comments:
Post a Comment