Dalawa lang ang lalaki sa buhay niya: si
Elvis Presley at si Martin Nievera.
Isa siyang bakla, beki kung tatawagin sa lenggwahe ngayon.
Maliit siya, isa sa mga kakaunting
katangian na gusto niya sa sarili. Wala pa siyang limang talampakan,
balingkinitan ang katawan, makinis ang kayumangging kutis, at malantik ang mga
pilikmatang kumukubli sa nangungusap na mga mata.
Nakilala niya ang batang palaboy na si
Marie sa labas ng simbahan ng Quiapo sa Maynila. Mukhang tomboy dahil kalaro
ang mga batang lalaki, at karaniwa'y natatalo niya ang mga ito sa larong tex,
tumbang preso, at mataya-taya. Nangangalakal ng bote at diyaryo ang ama, at ang
ina naman niya ay nakaratay dahil sa sakit na TB.
Bago siya sa Kalye Villalobos, bagong
salta sa siyudad. Tumakas siya sa probinsya nang mahuli siya ng ama na
nakikipagniig kay Mariang Palad habang hinihiyaw ang pangalan ni Elvis Presley.
"Bakit?" tanong ng kanyang
ama, "bakit lalaki ang pinagpapantasyahan mo habang nagsasalsal ka? Bakla
ka ba?" Umamin siya, na, oo, pusong babae siya, at nais niyang maging
asawa ang sikat na manganganta sa kabilang buhay. Noong araw ding iyon ay
nilisan niya ang marangyang buhay sa Batangas dahil sa pagtakwil ng kanyang
pamilya.
Sa isang kabataan ay maaaring maituring
na isang masayang karanasan ang pakikipagsapalaran sa Maynila. Maraming
sinehan, maraming pasyalan, maraming tao. Tila dito malilimutan mo lahat ng
suliranin at dalahin mo sa buhay.
Ngunit di siya karaniwang kabataan.
Gustong-gusto niya ang payak na buhay sa probinsya. Ang magising sa tilaok ng
manok, ang magpastol ng mga baka, gumapas ng palay tuwing tag-ani. Ang maligo
sa dagat tuwing tag-araw. Mangisda at mabuhay sa matinding paniwala na lahat ng
iyong pangangailangan ay ipagkakaloob ng Butihing Poong Maykapal.
Si Marie: "Bakla, palit tayo.
Noodles para sa isa sa mga kahel mo!" Hinitsa ng siyam na taong gulang na
gusgusing bata ang balot ng Maggi chicken noodles na alam niyang inumit sa
Bumbay sa kanto, at kumuha ng pinakasariwa at pinakamatingkad na kahel sa
kumpol sa kanyang bilao.
Tila siya lamang ang ginagalang ng
batang ito sa hanay ng mga nagtitinda dito sa kalye sa gilid ng simbahan ng
Quiapo. Hindi siya pinag-uumitan ng kahit ano, kahit yung mga patapon na niyang
kalakal ay tila sagrado sa batang ito. Nakikipag-barter lang ito sa kanya sa
mga araw na prutas ang tinitinda niya.
"O, dalawa na kunin mo! Eto
pa," sigaw niya ngunit palayo na ang bata. Nagkibit balikat siya. Tila
lucky charm sa kanya ang bata dahil pagsalta pa lamang niya sa pagtitinda ay
ito ang nag-buena mano sa kanyang tindang mansanas. Mabilis na bumenta ang
kanyang paninda at kapapananghalian pa lamang ay nakauwi na siya sa bed space
sa likod ng mga tindahan sa Raon.
Ang unang pinag-ipunan niya sa tubo sa
pagtitinda ay cassette tape ng mga kanta ni Martin Nievera. Medyo hindi pa niya
kayang pakinggan ang mga kanta ni Elvis. Sariwa pa sa kanyang alaala ang mapait
na karanasang idinulot sa kanya ng pagnanasa sa manganganta.
Si Martin. Malasutla ang boses. Ayos
lang na baluktot ang Tagalog. Cute sa turing niya kapag kinakapanayam ito sa
mga noontime show sa TV na pinapanood nila sa panciteria kapag matumal ang
benta.
Pinapakinggan niya sa kaniyang baong radyo
ang tape ni Martin bago matulog. Masarap ang tulog niya at maganda ang gising
kinabukasan dahil sa ritwal na ito. Hindi siya masyadong nangungulila sa
naiwang buhay sa probinsya.
"Bakla! Punta ka sa amin. Kaarawan
ko. Bibili kami ng pancit at monay mamaya. Ikaw lang ang bisita ko. Wag kang
mawawala!" Si Marie. Malungkot ang mukha nito, tila di mukha ng batang
babaeng magdiriwang ng ika-sampung kaarawan.
"Sige. Utang muna regalo ko
ha!" Ngunit gaya ng gawi nito, ay di hinintay ang sagot niya at tumatakbo
na palayo.
Halatang ukay-ukay ang bestida ni Marie
nang bumalik alas cuatro ng hapong iyon. Ang lampas balikat na buhok ay
sinalansan sa magulong pony tail. Bago ang pares ng Spartan na tsinelas nito.
May bahid ng luha ang kaniyang malumbay na mga mata.
"Tara na Bakla! Wala ka bang kahel
para sa akin?" tila pinapalakas na lamang niya ang kaniyang loob.
"O, eto. Tsaka mansanas at ubas.
Birthday mo naman. Bigay ko na sa iyo yan. Wag mo nang palitan." Nakabihis
siya ng malinis na T-shirt na may tatak ng mukha ni Diana Ross, at maiksing
maong na shorts na pinaggupitan sa pantalon. "Teka, ha." Hinila niya
ang goma sa buhok ni Marie at nilabas ang suklay sa Via Venetto na bag niya, na
regalo ng matalik na kaibigan sa Batangas.
Sinuklayan niya ng buhok ang bata.
Halatang hindi ito sanay na inaayusan siya. Mahigpit ang mga balikat nito at
tensiyonado ang buong katawan ng bata habang inaayos niya sa isang French braid
ang buhok nito. "Hayan, mukha ka nang prinsesa. Tara na sa inyo."
"Medyo malayo ang lalakarin natin,
Bakla. Pasensya na wala akong pera pamasahe."
Ang
bali-balita sa Villalobos ay sa ilalim ng tulay nakatira ang pamilya ni Marie.
Ngunit nagulat siya nang huminto sila sa tapat ng lagusan ng Hospicio De San
Jose. Binati sila ng isang madre. "Ah, Marie. Iyan ba ang bisita mo?
Patuluyin mo siya."
Maraming tao sa maluwang na bulwagan
nang hapong iyon. Pinagmamasdan niya si Marie, at sa unang pagkakataon ay
nakita niya kung paano ito iwan ng angas na nakasanayan na niya sa kalye ng
Quiapo. Kiming-kimi ito na tila ayaw igalaw ang katawan. Panay ang kuskos sa
ilong, na sa malunan ay matutukoy niyang gawain ng bata pag kinakabahan ito.
"Halika, ano nga ba ang pangalan
mo? Kuha ka ng plato. May nagdala kasi ng pagkain. Di namin inaasahan,"
paanyaya sa kanya ng madre.
"Marie, halika, kain tayo."
Ngayon ay naipagpasalamat niya ang kinalakihang alta sociedad sa Batangas. Kahit shorts at T-shirt lamang ang suot
ay maayos siyang nakisalamuha sa mga mayayamang bisita ng mga madre, na nalaman
niya ay umaambag sa Hospicio.
Kinuha niya ng plato ang bata, at
tinanong kung alin sa mga putaheng nakahain sa buffet ang nais niyang kainin.
Umupo sila sa mesa sa isang tagong sulok
ng bulwagan at matapos ng masinsinang pag-usisa ay nalaman niyang namatay na
ang ina ni Marie at iniwan siya ng ama sa bahay
ampunan. Ang mga prutas na hinihingi ng bata sa kanya ay pinapasalubong
sa inang maysakit.
"Uy. Fan ka rin?" may umantala
sa paghuhuntahan nila. Napanganga siya. Si Fanny Serrano. Stylist to the stars.
Pagdaka'y ngumiti siya. "Ah, opo. 'When
You Tell Me That You Love Me'. Kinakanta ko sa mga amateur dito,"
pakiramdam niya'y masyadong personal ang kwento niya, pero si Fanny Serrano
ito!
"Naku iha. Mas maraming pera sa
make up art. Masyado nang maraming beauty queen sa hanay natin. Ikaw nag-ayos
sa kanya?"
"Opo."
"Oh, eto tarheta ko. Punta ka sa
shop ko sa Makati kung interesado ka. Marami kaming opening ngayon. Libre
training, may allowance ka. Tapos may commission sa mga customer pag nakapasa
ka."
"Talaga po?"
"Mukha ba akong nagbibiro?"
"Marie, siya ba yung sinasabi
mo?" turing nito sa bata. Tumango ito at sa unang pagkakataon sa gabing
iyon ay nakita niyang ngumiti ang bata. "O sige. Aasahan kita sa shop,
ha?" baling nito sa kanya.
"Ano yun?"
"Si Madam Fanny. Tuwing Biyernes
nagsisimba siya sa Quiapo. Dinadalhan niya kami ng groceries. Sa kanya galing
yung noodles na pinagpapalit ko sa prutas mo. Tinatabi ko talaga yon. Ayokong
uwian ng nakaw si Inay," paliwanag ng bata.
"Naku. Bruha ka talaga. Akala ko
kinukuha mo kay Bumbay yung Maggi."
"Ano ba! Expired lahat ng paninda
no'n! Hindi ko papatusin yun!" biro ni Marie. Nagtawanan sila.
"Bakit alam ni Madam Fanny kung
sino ako?"
"Kasi, nagdadasal ako sa Poong
Nazareno. Sabi ko, bigyan niya ako ng kaibigan. Yung mga kalaro ko, parati
akong inaaway kasi babae ako. Babae lang
daw. Di ko raw kaya yung mga kaya nila. Binubuska nila ako pag natatalo ko
sila sa laro. Nandadaya lang daw ako kaya ako nananalo. Tapos si Inay maysakit.
Tapos si Itay tila kakambal na ng sama ng loob. Matagal ko nang gustong sumama
sa mga madre. Kaya lang kailangan kong alagaan si Inay. Kaya nung namatay siya,
sabi ko kay Itay, dito na lang ako. Wala naman siyang pakialam. Ayos lang.
Kahit papaano, dito nakakapag-aral ako," kibit balikat siya.
"O. Tapos?"
"Nu'ng unang araw mong magtinda,
Biyernes noon. Tapos nakasuot ka ng Elvis Presley na T-shirt. Tapos, hindi ka
lalaki. Kaya ko nalaman na ikaw yung kaibigan na pinadala ng Nazareno para sa
akin. Nahihiya nga lang akong lumapit, baka isipin mo gusto ko lang humingi ng
paninda mo," sabi pa ni Marie.
"Bruha ka talaga. Lika nga dito.
Puede ka bang yakapin ng kaibigan mo?" Kumukurap siya nang mabilis para
hindi tumulo ang luhang nangingilid sa mga mata niya.
Mahigpit at matagal na nagyakap ang
dalawa.
"Mmmm. Marie, bilang kaibigan mo,
puede ka bang turuan ng tamang paraan ng paliligo? Nakakasulasok 'tong buhok
mo. Tapos pag pumapasok na ako kay Fanny Serrano, gugupitan kita ng maayos.
Tapos shopping tayo sa Quad."
"Teka, teka, ano ka? Evil
stepmother?" biro ng bata.
"Hindi. Fairy godmother!"