Himagsikan
Maingay ang mga pugo sa kulungan. Ang kura, Si Pari Vera ay
abala sa pagdidilig ng mga santan at gumamela sa hardin katabi ng kulungan ng
mga ibon. Kinakausap niya si Tikboy, ang kaniyang sacristan, habang binubusan
niya ng tubig mula sa tabong lata ang mga halaman.
“Huwag mong kalimutan, bago ka matulog, lagyan ng patuka ang
mga pakainan. At buksan mo ang mga lampara para makita nila ang kinakain nila.
Kumamakain magdamag ang mga pugo,” bilin ng Kura.
“Opo, padre,” kiming sagot ng bata.
“Marunong ka ba ng mah jongg?” usisa ng pari.
“Hindi po, padre,” sabi ni Tikboy sa mahinang tinig.
“Bueno, patuturuan kita kay Berto. Pumang-apat ka mamaya
pagkatapos ng hapunan,” bilin niya.
Dapithapon noon at paglubog ng araw ay pumasok ang dalawa sa
kumbento. Ang pari, na maglilimampung taon sa Abril, ay payatin, singkit, at
maigsi ang kulot na buhok. Si Tikboy, na pinaampon ng Tiyahin niya sa kura
upang makapagpatuloy ng pag-aaral, ay maliit at bilugan ang katawan, malamlam
ang mga mata, na animo’y hindi mata ng isang labing-isang gulang na bata.
Sumalubong si Berto, ang binatang sacristan sa bungad at
kinuha ang timba at tabo kay Pari Vera. Dinala niya ito sa labahan kung nasaan
si Atong, ang isa pang ampong sacristan ng pari.
Pagkuwa’y pumunta sila sa komedor. Binasbasan ang simpleng hapunan
na ginataang palos, sinaing na sinandomeng, at talbos ng kamote. Tahimik silang
nag-usap tungkol sa gawain kinabukasan habang kumakain. Si Tikboy ay hindi
kumikibo, at may nangingilid na luha sa mata. Nangungulila na siya sa mga
pinsan at Tiyahin sa Bilot.
“Hala Tikboy. Urungin mo na ang pinagkainan. Bukas ikaw ang
maghuhugas ng plato. Salit-salit tayo dito,” utos ni Berto.
Maingat na sinamsam ng bata ang mga latang plato at tasa, at
mga kubyertos at dinala sa lababo sa kusina. Mabilis na hinugasan ni Atong ang mga
ito at sinalansan sa paminggalan.
Naglabas ng isang kahoy na kahon ang Pari mula sa kanyang
opisina. Hilig niya ang mag mah jongg dahil naiibsan nito ang pagkamalilimutin
niya.
Nilatag ni Berto ang kwadradong mesa na nakatupi sa isang
sulok ng silid. Kinuha ni Atong ang kahon ng Swan na toothpick sa ibabaw ng
mesang kainan at nagbigay ng tiglilima sa bawat manlalaro. Toothpick ang
pinagpupustahan nila, dahil ayaw sa sugal ni Pari Vera.
Mabilis na natuto ang bagong salta at nanalo ng tatlong laro
sa lima. Alas onse na nang matapos silang maglaro. Bago humiga ay tumalima sa
bilin ng kanyang patron na mag-iwan ng pakain para sa mga pugo. Dala ang
gaserang lampara, naglakad siya patungo sa
kulungan kung saan inaalagaan ang labing tatlong pugo na masipag namang magbigay
ng itlog. Nanginginig siya sa takot habang nagbubuhos ng patuka sa pakainan. Marami
siyang naririnig na kwento tungkol sa mga multo sa kumbento at pinagdadasal niya nang taimtim na huwag siyang makasalubong
ng isa sa mga ito pabalik sa dormitoryo ng mga sacristan.
Halos mangiyak-ngiyak si Tikboy nang makabalik sa dormitoryo.
Naghihilik na si Atong at si Berto naman ay nagbabasa ng Liwayway na magasin.
Galing kasi ito ng Bisaya at nais niyang hasain ang kaniyang Tagalog upang
makapasok siya sa kolehiyo sa Kapitolyo. Naglatag si Tikboy ng banig sa puwang
sa gitna ng kama ng dalawang nakatatandang sacristan at humalukipkip sa unan
niya na baon niya mula sa Tiya Toyang niya. Nakatulog siyang umiiyak.
Kinabukasan ay maaga siyang ginising ng mga kasama.
Pinapaligo at pinatulong sa Misang alas sais. Pagkatapos ay kumain sila ng de
latang sardinas at pan de sal bilang almusal. May pa-novena sa Purok Cuatro sa
hapon at silang tatlo ay isasama ng kura paroko.
Tumakbo si Tikboy papunta sa Mababang Paaralan matapos ang
almusal, dala ang liham para sa Principal mula kay Pari Vera. Binitbit niya ang
kaniyang bakya upang makatakbo nang mas matulin. Sa unang pagkakataon sa
nakalipas na tatlong araw ay nakadama siya ng galak. Humahangos at nakangiti
siya nang makarating sa paaralan. Kimi niyang ipinagtanong ang tanggapan ng
Principal. May kaba siya sa dibdib habang naglalakad patungo sa Principal.
Dalawang taon din siyang nahinto sa pagpasok dahil sa kakapusan ng pamilya, ngunit nakikisabay siyang mag-aral ng leksyon
ng nakatatandang pinsan na si Ingga na nasa high school. Iskolar ito ng mga
madre sa pribadong paaralan sa tabi ng bisita kaya’t nakapagpatuloy siya.
“O. Magsusulit ka mamaya para malaman ko kung ano’ng grade
ka ipapasok sa darating na pasukan,” sabi ng Principal kay Tikboy pagkabasa sa
liham ng kaibigang pari.
“H-ha? Ganoon po ba? Hindi ako nakapaghanda,” kumakabog ang
dibdib ni Tikboy. Nanlumo siya. Baka hindi siya tanggapin.
Ngumiti ang Principal na matandang binata. “Ayos lang iyon.
Kumbaga diagnostic test lang. Titingnan lang natin ang kakayanan mo. Huwag kang
mabahala. Kayang-kaya mo ito,” sabi niya. “O, ito ang lapis. Pumunta ka sa
tapat na silid. Ibigay mo ito kay Bb Ampil,” sabay bigay ng isang maikling
sulat sa kanya.
“O-opo,” nangimi na naman si Tikboy.
Nawala ang pagkadismaya niya nang lumipat siya ng silid. Si
Ms. Ampil ay morena na may mabilog na mata. Masayahin ang kaniyang mukha at
mainit ang pagtanggap niya kay Tikboy. Tila hindi niya napuna ang butas nitong kamiseta,
bitin na pantalon, at upod na bakya.
Matiyaga niyang pinaliwanag ang mga gawain sa pagsusulit sa
bata hanggang unti-unti nitong napapaniwala ang sarili na maipapasa niya ito.
Hindi siya makapaniwala na nadalian siya sa mga tanong, at halos parang alam
niya lahat ng mga sagot sa mga ito.
“Maaari ko ba kayong kamayan?” urirat ni Tikboy kay Bb Ampil
matapos siyang umeksamen.
“Siyempre,” sagot ni Bb Ampil. Tinuloy nito ang pagkakamay
sa isang mahigpit na yakap. “Ingat ka pauwi. Magpaalam ka kay Principal, ha?”
“Opo,” iba na ang disposisyon ng bata.
Matapos ang isang linggo ay nagpadala ng liham ang Principal
kay Pari Vera ukol sa pagsusulit ni Tikboy. Pilit binabasa ng bata ang mukha ng
kura habang binabasa nito ang sulat. May kaba ang dibdib habang pinagmamasdan
ang nakakunot na noo ng Pari.
“Tikboy. Hindi ka tinanggap sa Mababang Paaralan,” malumanay
ang boses ni Pari Vera, ngunit tila may karugtong ang pahayag nito. “Inirekomenda
niya na ipasok na kita sa high school.” Nakangiti ang pari.
“Mahusay, anak,”
sambit pa nito habang ginugusot ang buhok ng bata.
Napaluha si Tikboy, ngunit ngayon ay tuwa naman ang dahilan
ng pagkabasa ng kaniyang mga mata.
“Di ko po kayo bibiguin, Padre.”
-wakas-